Sunday, December 5, 2010

Basurang plastik talamak pa rin sa Manila Bay

Sa ika-sampung anibersaryo ng kani-kanilang pagkakatatag ay sama-samang isinagawa ang pangalawang pagtutuos ng basura (waste audit) sa Manila Bay noong Nobyembre 28, 2010 ng EcoWaste Coalition, Global Alliance for Incinerator Alternatives (GAIA) at Greenpeace Southeast Asia (GPSEA).

Para sa GAIA at sa mahigit na 650 kasaping grupo at indibidwal nito mula sa 92 bansa, kasama ang Pilipinas, ang pagdaraos ng waste audit ay bahagi ng isang pandaigdigang pagdiriwang na may temang “Celebrating 10 Years of Community Action for Zero Waste Solutions.”

Unang nangolekta at nagtuos ng basura ang EcoWaste Coalition, GAIA at GPSEA sa pamosong Manila Bay noong Agosto 16, 2006. Sa parehong pagkakataon ay nakatulong nila ang mga tripulante ng mga barko ng Greenpeace: ang Esperanza noong 2006 na nasa bansa para sa kampanyang “Defending Our Oceans,” at Rainbow Warrior ngayong taon para sa kampanyang “Turn the Tide.”

Gaya noong 2006, aktibong lumahok ang maraming grupo sa isinagawang pagsisiyasat sa mga itinapong basura sa Manila Bay na minsan ng nabansagang pinakamalaking “landfill” sa Pilipinas dahil sa sangkaterbang basura na dito inihahagis o dili kaya’y inaanod mula sa mga ilog, estero at kanal.

Kabilang sa mga sumali ang Ban Toxics, Buklod Tao, Ecology Ministry of the Diocese of Caloocan, Earth UST, Health Care Without Harm, Institute for Climate and Sustainable Cities, Mother Earth Foundation, Sagip Pasig Movement, Samahan ng Muling Pagkabuhay Multi-Purpose Cooperative, Sining Yapak, at Zero Waste Philippines.

Suot ng mga kalahok ang kulay-abong “Stop Trashing the Climate” t-shirt ng GAIA, at ang kulay-asul na “Water Patrol” t-shirt ng GPSEA.

Matapos ang pamumulot ng basura ng pangkat panglupa (land team) mula sa baybayin ng Manila Yacht Club hanggang sa US Embassy at pangkat pangtubig (water team) na nangolekta naman ng basura, gamit ang mga inflatable boat, mula sa naturang klab hanggang Baseco sa Tondo ay kanilang dinala ang mga basurang nakolekta sa bangketa sa may Roxas Boulevard upang doon ay suriin at timbangin.

Nasa taluktok ng mga sukal na nakolekta sa Manila Bay noong Linggo ang sari-saring basurang plastik na 75.55% ng kabuuang basurang natuos. Halos ganito rin ang lumabas sa pagtutuos na isinagawa noong 2006 na 76.9% naman.

Sa 728 litro ng mga nakolektang basura, 75.55% ay pawang mga bagay na plastik tulad ng bag, botelya, Styrofoam at iba pa, 10.99% ang mga bagay na nabubulok (biodegradable), 5.77% ang salamin, 2.2% ang metal, 1.38% ang mga mapanganib na basura (hazardous waste) at .55% ang goma.

“Considering the outgoing current, we still collected quite a volume of trash and it is unfortunate that plastic items led by plastic bags and styro products remain to be the prime visible pollutants of Manila Bay. Our findings today reinforced what all of us already know: plastics is a problem and our penchant for patronizing disposable products magnifies this problem,” paliwanag ni Gigie Cruz ng GAIA.

“We can only do so much cleaning visible trash, but toxic discharges which are actually more harmful remain invisible. In line with Zero Waste principles, Greenpeace is calling for a mandatory pollution disclosure system that will be the first step to eliminate these hidden toxics in our waters,” wika naman ni Beau Baconguis ng GPSEA.

Sa kanilang isinagawang pagtutuos ay muling isiniwalat ng EcoWaste Coalition, GAIA at Greenpeace ang problema sa iresponsableng pagkonsumo at pagtatapon ng mga basurang plastik na patuloy na namamayagpag sa gitna ng halos isang dekadang pagpapairal sa Ecological Solid Waste Management Act.

Malaking hamon sa lahat na linisin ang Manila Bay hindi lamang sa mga lumulutang na basura na lantad sa paningin. Kailangan ring puksain ang walang habas na pagtatapon ng mga basurang likido at kemikal na banta sa kalusugang pantao at ekosistemang pandagat mula sa mga bahay, palengke, ospital, pagawaan ng kotse, pabrika at iba pa upang ganap na linisin at buhayin ang Manila Bay.

0 comments:

Post a Comment