Monday, December 6, 2010

Editoryal - Ipagbawal paggamit ng plastic bags

MALAKING perwisyo na ang idinudulot ng mga itina­pong plastic bag sa kalikasan. Ang mga plastic bag ang numero unong nagpo-pollute ng Manila Bay at dahilan din ng pagbabaha. Dahil hindi natutunaw ang plastic bags, inaanud-anod ang mga ito at bumabara sa mga daanan ng tubig. Kapag itina­pon ang plastic bags sa mga kanal at estero, tatangayin ito sa Pasig River at saka iluluwa sa Manila Bay. Ang Manila Bay ang huling bagsakan ng mga plastic bag. At tingnan kung ano ang nililikha ng mga itinapong plastic bag ngayon. Maruming-marumi ang Manila Bay. Ang Manila Bay ay hinahangaan dahil nata­tanaw dito ang napakagandang paglubog ng araw. Ngayon, maraming basurang plastic ang natatanaw sa Manila Bay.

Nagsagawa ng pag-eksamin ang tatlong environ­mentalist groups, ang Global Alliance for Incinerator Alternatives (GAIA), Greenpeace at Ecowaste Coalition sa mga nakuhang debris sa Manila Bay at natuklasan nilang 75.55 percent ng mga ito ay mga plastic, partikular na ang bags na ginagamit nang malalaking supermarket at department store. Sumusunod na basurang nakuha sa Manila Bay ay mga bote, bakal at goma. Pero kaunti lang ang mga ito kumpara sa mga plastic na hindi nabubulok at tinatangay-tangay ng alon.

Sa ibang bansa ay problema rin ang mga basurang plastic na sumisira rin sa kalikasan subalit mas mabi­lis umakto ang pamahalaan doon sapagkat agaran rin nilang naipatigil ang paggamit ng plastic bags at iba pang gamit. Sa mga supermarket ay naipatutupad nilang supot na papel ang gamitin at ang iba naman ay inoobligang magdala ng sariling bag ang mga customer.

Dapat namang kumilos ang mga mambabatas sa pagkakataong ito para tuluyan nang maipagbawal ang paggamit ng plastic bags. Tanging ang mga mambabatas ang may kapangyarihan para mapasunod ang mga may-ari nang malalaking supermarket at department na huwag nang gumamit ng plastic bags. Sa kasalukuyan, 12 anti-plastic bills ang nakapanukala pero hindi gumagalaw dahil umano sa banta ng mga manufacturer ng plastic bags.

Kabilang sa mga mambabatas na nag-akda para sa pagbabawal ng plastic bags ay sina Ako Bicol Rep. Rodel Batocabe, Laguna Reps. Dan Fernandez at Edgar San Luis, Aurora Rep. Juan Edgardo Angara, Pampanga Rep. Aurelio Gonzales, Cagayan de Oro Reps. Rufus Rodriguez, Abante Mindanao Maximo Rodriguez Jr. at Cavite Rep. Lani Mercado-Revilla.

Ngayon na ang tamang panahon para tuluyang itakwil ang paggamit ng plastic bags. Bago mahuli ang lahat, agarang kumilos ang mga mambabatas.

0 comments:

Post a Comment