Thursday, December 16, 2010

Mga Produktong Toksiko, Mag-Ingat Kayo

Sunod-sunod ang paalala ng EcoWaste Coalition, isang grupong aktibong nagbabantay sa mga toksikong prokduto sa merkado, hinggil sa pagbili at paggamit ng mga bagay-bagay na delikado sa kalusugan dahil sa taglay na mga mapanganib na kemikal.

Unang nagbabala ang grupo sa pagbili ng mga laruang gawa sa plastik na PVC o polyvinyl chloride dahil sa sangkap nitong pampalambot na kemikal na kung tawagin ay phthalate na ipinagbabawal na Estados Unidos at Europa sa mga laruan at kagamitang pambata.

Anim sa pitong laruan na binili ng EcoWaste Coalition sa Divisoria at pinasuri sa isang pribadong laboratoryo sa Thailand ang nakitaan ng 2.27% hanggang 33.16% phthalate na lampas-lampas sa itinakdang limitasyon na 0.1% sa Estados Unidos.

Dahil sa gawi na ng mga bata na magsubo ng anumang bagay sa kanilang bibig ay mabilis nilang nakakain ang phthalate sa plastik na ayon sa mga pananaliksik ay nakakapinsala sa "reproductive system” at “immune system.”

Kasunod nito ay nagbabala naman ang grupo sa muling paglitaw ng mga kosmetikong pampaputi ng balat na ipinagbawal ng Food and Drug Administration (FDA) dahil sa kanilang matataas na antas ng kemikal na asoge o mercury, isang “toxic metal.”

Sa kanilang “test buy” ay madaling nakabili ang EcoWaste Coalition ng 10 sa 28 mga ipinagbabawal na pampapaputi sa mga tindahan sa Baclaran, Binondo, Divisoria, Guadalupe at Quiapo. Kabilang dito ang “Jiao Li” na ipinagbawal na noon pang Enero at Pebrero 2010.

Matapos ang ginawang paglalantad ng EcoWaste Coalition sa lantarang paglabag sa kautusan ng FDA ay nagsagawa ng “raid” ang FDA, katuwang ang ABS-CBN, na kung saan ay nakasamsam sila ng mahigit 100 kosmetikong may asoge.

Matapos ang paglalantad sa mga peligrosong laruan at kosmetiko ay muling ibinunyag ng EcoWaste Coalition ang walang habas na pagtitinda ng mga iligal na pampalinis ng mga pilak na alahas (silver jewelry cleaner) na may cyanide at iba pang mapanganib na sangkap.

Sa kautusang inilabas ng Kagawaran ng Kalusugan (DOH) at Kagawaran ng Kapaligiran at Likas Yaman (DENR) ay mahigpit na ipinagbawal ang pagtitinda ng hindi rehistrado at hindi markadong panglinis ng mga alahas na pilak.

Bagamat ipinagbabawal ay nakabili pa rin ang EcoWaste Coalition ng mga iligal na produktong lason sa ilang mga tindahan ng alahas at relo sa mga mall gaya ng Farmers’ Plaza, Grand Central Mall, Guadalupe Commercial Shopping Center, Manila City Plaza, SM North, Starmall Alabang at Victory Mall.

Isinagawa ng grupo ang kanilang tinatawag na “test buy” matapos mapabalita ang pagpapatiwakal ni Rea Patricio, 14, ng Navotas City, gamit ang silver cleaner.

Ang mga toksikong produktong ito (mga laruang may phthalate, mga kosmetikong may mercury at mga panglinis na may cyanide) ay mga seryosong banta sa kalusugan na kailangang bantayan at tanggalin sa merkado.

Ang mga “test buy” na isinagawa ng EcoWaste Coalition ay paghamon sa lahat, laluna sa pamahalaan, na mahigpit na ipatupad ang batas upang puksain ang produksyon at kalakalan ng mga toksikong produkto para sa pampublikong interes at kagalingan.

0 comments:

Post a Comment