Umapila ang environmental group na EcoWaste Coalition sa publiko na bawasan ang kanilang “Holitrash” o holiday trash ngayong panahon ng kapaskuhan.
Ayon kay Roy Alvarez, presidente ng EcoWaste, ang “Holitrash” ang isa sa pinakamalaking contributor ng mga bundok ng basura sa bansa na nakasisira sa kalikasan, kaya’t dapat lamang itong bawasan.
Naniniwala ang grupo na makatutulong sa pagbabawas ng Holitrash ang hindi paggamit ng mga disposable na food containers at utensils, partikular na ang mga gawa sa styrofoam at polystyrene.
Dagdag pa nito na habang nagsasaya ang lahat sa kabi-kabilang party, ay hindi naman dapat na kalimutan ng mga ito ang makapagpapasaya sa kapaligiran.
Batay sa waste audit ng Manila Bay noong Nobyembre 28, lumilitaw na 75.55% ng 728 liters ng basura na nakolekta mula sa lugar ay mga plastic discard, at 20% nito ay styrofoam food at beverage containers.
Sinabi ni Alvarez na hindi naman kailangang gumamit ng disposable items sa Christmas parties, dahil mayroon namang mga alternatibong maaaring gamitin tulad ng regular chinaware, metal cutlery at mga baso, na maaaring hugasan at muling gamitin.
Hinikayat pa ng grupo ang publiko na magdala na lamang ng sarili nilang container at utensil para sa mga Christmas party sa kanilang mga opisina.
0 comments:
Post a Comment