Basurang Plastik: Iwasan, Bawasan, Wakasan
Matapos ang paggunita sa unang anibersaryo ng pananalasa ng bagyong
Ondoy sa bansa ay nagtipon sa Senado noong Lunes ang mga
makakalikasang aktibista upang hanapan ng solusyon ang isa sa
pangunahing sanhi ng matinding pagbaha noong nakaraaang taon: ang
plastic bag.
Kasama ang pasayaw-sayaw na halimaw na basurang plastik na
pinangalanang “LeOndoy” ay hiniling ng mga kasapi ng EcoWaste
Coalition sa mga Senador na gumawa ng isang malakas na batas laban sa
plastic bag para putulin ang lumalalang polusyon sa lansangan,
tambakan at karagatan.
Ang naturang pagkilos ay kaalinsabay ng pagdinig ng Senate Commitee on
Trade and Commerce at ng Senate Committee on Environment and Natural
Resources sa mga panukalang batas tungkol sa plastic bag na inihain
nina Senador Loren Legarda, Senador Miriam Defensor-Santiago at
Senador Manny Villar.
Hiling ng EcoWaste Coalition ang isang malakas at epektibong
regulasyon upang matuldukan ang laganap na epekto ng polusyong plastik
sa buong kapuluan.
Bilang paggunita sa mga aral ng bagyong Ondoy ay nais tawagin ng
EcoWaste Coalition ang batas na ito na “Ondoy Act for Plastic
Pollution Prevention and Reduction.”
Ayon sa grupo, ang walang pasubaling paggawa, paggamit at pagtatapon
ng mga basurang plastik ay isa sa pangunahing sanhi ng pagbabara sa
mga lagusan ng tubig at pagbaha.
Mula produksyon, transportasyon hanggang sa paghahakot, pagtatapon at
pagtatanggal sa mga basurang plastik sa mga estero ay gumagamit ng
sangkaterbang “fossil fuel” na nagbubuga ng mga “greenhouse gas” na
nagpapabago at nagpapainit naman sa klima.
Dagdag pa, ang pagsusunog ng mga basurang plastik ay nagbubuga ng mga
lasong kemikal na lalong nagpaparumi sa hangin at maging sa suplay ng
pagkain.
Para sa mas malakas at epektibong pagpuksa sa polusyong plastik ay
nais isabatas ng EcoWaste Coalition ang mga sumusunod:
1. Ipagbawal ang nakasanayang libreng pamimigay ng plastic bag sa
lahat ng mga komersiyal na establisyamento.
2.Patawan ng buwis (halimbawa: environmental tax o levy) ang plastic bag.
3. Ipagbawal ang lumalaganap na paggamit ng mga plastic bag bilang
banderitas sa mga piyesta at iba pang kasayahan.
4. Itakda ang “phase out” at ganap na pagbabawal sa mga plastic sando bag.
5. Ipagbawal ang pag-angkat ng mga plastic bag at iba pang isahang
gamit na “disposable” tulad ng mga lalagyang “polystyrene” (halimbawa:
Styrofoam) para sa inumin at pagkain.
6. Hilingin sa mga komersiyal na establisyamento na mag-alok ng mga
alternatibo sa plastic bag na magagamit pang muli.
7. Utusan ang mga supermarket at iba pang tindahan na payagan ang mga
mamimili ng magdala ng kani-kanilang bayong at ibang sisidlan para sa
mga ipinamili.
8. Itakda ang “extended producer responsibility” o ang pagpapataw ng
responsibilidad sa mga may gawa ng plastic bag sa buong "lifecycle" ng
kanilang produkto.
9. Pahigpitin ang pagbabawal sa pagkakalat, pagtatambak at pagsusunog
ng mga basurang plastik.
10.Isulong ang mga programang pangkabuhayan na magtataguyod sa
produksyon ng bayong at iba pang mga “reusable bag.”
11.Magsagawa ng tuloy-tuloy na pampublikong edukasyon sa epekto ng
plastic bag sa kalusugan, kalikasan at klima.
12.Lumahok sa taunang “International Plastic Bag Free Day” tuwing
ikatlo ng Hulyo.
Para sa malusog at ligtas na kinabukasan ay isama nawa ang naturang
“Ondoy Act” sa listahan ng mga prayoridad na batas ng pamahalaang
Aquino.
0 comments:
Post a Comment