Sunday, September 19, 2010

Cadmium sa mga Alahas na Pambata

Simula Enero hanggang Hulyo 2010 ay makalimang ulit na naglabas ng
“recall order” ang pamahalaang Obama ng Estados Unidos para sa mga
alahas na pambata na may lasong kemikal: ang cadmium.

Sa pamamagitan ng Consumer Product Safety Commission (CPSC) ay binawi
sa merkado ang mahigit 200,000 piraso ng mga mumurahing alahas na
pambata na yari sa Tsina at ipinagbibili sa mga tindahan sa Estados
Unidos.

Kabilang sa mga produktong binawi ay mga kuwintas, singsing, pulseras,
hikaw at iba pang palamuting metal na batay sa pagsusuri ng mga
dalubhasa ay matataas ang lamang cadmium.

Ipinag-utos ng CPSC ang agarang pagtigil sa paggamit ng mga binawing
produkto. Ipinagbawal rin ng Komisyon ang muling pagtitinda o
pagsubok na muling itinda ang mga binawing produkto.

Babala ng CPSC, “cadmium is toxic if ingested by young children and
can cause adverse health effects.”

Ang cadmium at mga cadmium compound ay itinuturing na "carcinogen."
Ang pagkakalantad sa cadmium ay maaaring maging sanhi ng iba’t ibang
tipo ng kanser. Pangunahing inaatake ng cadmium ang bato at buto.

Ang mahabang pagkakalantad sa mababang antas ng cadmium ay maaaring
magdulot ng pagkaipon nito sa mga bato at sakit sa bato.

Ang pagkakalantad sa mahabang panahon ay maaaring magparupok rin sa
mga buto at makapinsala sa mga baga.

Ang paglanghap ng matataas na antas ng cadmium ay maaaring magdulot ng
malubhang pagkasira ng mga baga.

Ang mga bata ay mas sensitibo sa pagkakalantad sa anumang mapanganib
na kemikal kaysa sa mga matatanda.

"Their body systems are still premature and developing. Due to their
different behavior they have different patterns of exposure, like
putting things in the mouth. They are unaware of risks and unable to
protect their health," pahayag ng Safe Toys Coalition na nakabase sa
bansang Belgium.

Kaanib ng Safe Toys Coalition ang EcoWaste Coalition at ang Global
Alliance for Incinerator Alternatives na parehong nakabase sa Quezon
City.

“Even the smallest amounts of hazardous chemicals are sufficient to
harm the development of a child – sometimes with lifelong
consequences. The increasing allergy and cancer rates demonstrate
this,” babala ng Safe Toys Coalition.

Bunsod ng lumalawak na pagkilala sa panganib ng cadmium, laluna sa mga
kagamitang pambata, ay patuloy ang pag-usad ng mga kaukulang patakaran
sa Estados Unidos laban sa cadmium.

Halimbawa, ipinasa noong nakaraang buwan ng California State Senate
ang pagbabawal sa paggawa, pagpapadala o pagtitinda simula 2012 ng mga
alahas na pambata na mahigit 0.03 porsiyento ang cadmium sa timbang
nito.

Dito sa ating bansa ay tila hindi pa napapansin ang panganib ng
cadmium kahit na kasama ito sa tinatawag na “Priority Chemical List”
ng Pilipinas na binubuo ng 48 mababagsik na kemikal.

Maliban sa pagbabalangkas ng pambansang regulasyon laban sa cadmium ay
napapanahon rin na magsagawa ng malawakang pagsusuri ang pamahalaan sa
mga alahas na pambata na itinitinda sa merkado na posibleng
kontaminado rin ng cadmium, lead at iba pang lasong kemikal.

0 comments:

Post a Comment