Kailangang tutukan ng pamahalaan, industriya at mamamayan ang
kaligtasan at kalusugan ng ating mga manggagawa sa basura, laluna ang
tinatawag na “informal waste sector” o IWS.
Kabilang sa IWS ang libu-libong namumulot ng mga “recyclable” gaya ng
bakal, lata, karton, papel, bote, plastik at pati mga tirang pagkain o
“pagpag” sa mga tambakan ng basura, mga tumpok ng basura sa lansangan,
at mga lalagyang supot ng basura na madalas pa nga ay tila palamuting
nakasabit sa mga bakod o puno.
Kasama rin sa sektor na ito ang mga “itinerant waste buyer” (mga
mamimili ng basura na lumiligid sa ating pamayanan gamit ang kariton o
“pedicab”), mga “palero” (mga trabahador sa trak ng basura), mga
“jumper” (mga umaakyat sa trak ng basura) at, siyempre, ang mga “junk
shop.”
Sa kabila ng marangal na pamumuhay na serbisyo rin sa klima at
kalikasan, hindi maipagkakaila ang kanilang pagkakalantad sa mga
pinsala at lason sa araw-araw na pangangalkal, paghipo at pag-amoy sa
umaalingasaw na mga pinaghalong basura.
Dahil mahina ang pagpapairal sa itinakdang pagbubukod ng basura at
makakalikasang pamamahala sa mga “hazardous waste” ay madalas silang
nabibiktima ng mga panapong nakakatusok (halimbawa: pako at
heringilya), nakakahiwa (basag na bote o salamin at takip ng lata),
nakakahawa (mga bagay na kontaminado ng dugo at iba pang likidong may
taglay na “virus”) at nakakalason (bumbilyang may asoge).
Ang impeksiyon sa mata, balat, baga, tiyan at bituka, ang pagkasunog o
pagkalason sa mga mapanganib na kemikal, ang pisikal na pinsala at mga
malulubhang sakit ay ilan sa mga karaniwang problemang pangkalusugan
na kanilang kinakaharap.
Dagdag pa, marami-rami na rin sa kanilang hanay ang naiulat na
seryosong nasugatan o binawian ng buhay dahil naurungan, naipit at
napisak ng trak ng basura. Si Robin Bayaborda, 14, ay nilamon ng mga
“compactor blade” ng isang trak nitong Hunyo 2010 sa Pier 18.
Kung peligroso ang pamamasura para sa matatanda ay higit itong
delikado para sa mga bata. Pahayag ng EcoWaste Coalition:
“Para sa mga batang namumuhay at naghahanap-buhay sa mga kalsada, mga
tambakan ng basura at iba pang lubhang mapanganib na lugar, ang
kanilang sitwasyon ay doble pasanin sa harap ng araw-araw na
paglanghap ng mga dumi ng kapaligiran na pilit sumasalaksak sa
kanilang baga mula sa mga maruruming usok ng mga sasakyan, mga
nahahalong lasong kemikal sa basura, nasusunog na tambakan at tapunan
ng basura, at mula sa walang habas na pagtatapon ng mga sirang
produktong elektroniko, at iba pang pinagmumulan ng polusyon.”
Sa pananaliksik na ginawa ng Global Alliance for Incinerator
Alternatives, Mother Earth Foundation at Smokey Mountain Resource
Recovery System ay pinahalagahan ang pagpapaloob sa IWS sa pormal na
pangangasiwa ng basura upang matiyak ang ligtas, protektado at
makataong hanap-buhay.
“The way forward is to fuse informal recycling initiatives with the
formal in the local waste management plans and systems, and ensure
humane livelihood for community recyclers, particularly the waste
pickers,” wika ni Beau Baconguis ng Greenpeace na siya ring
tagapanaliksik ng naturang pag-aaral.
Inirekomenda rin ang pagpapatupad sa tinatawag ng “extended producer
responsibility” o EPR.
“This should be intertwined with an Extended Producer Responsibility
(EPR) system that companies must implement. An EPR system not only
phases out the use of toxic chemicals in all stages of production but
also takes back their products upon reaching end-of-life. Ultimately,
EPR makes working conditions much safer for those in the recycling
sector,” paliwanag ni Baconguis.
Ang binabalak na kongreso ng IWS sa Nobyembre 2010 sa pamumuno mismo
ng IWS katuwang ang National Solid Waste Management Commission at mga
grupo mula sa pribado at pampublikong sektor ay magbunga nawa ng higit
na pagpapahalaga sa IWS at sama-samang pagsusulong sa kanilang
kapakanan
0 comments:
Post a Comment