Sunday, September 12, 2010

Ligtas na Laruan

Ang pagpasok ng mga buwan ng “ber” dito sa atin ay tunay na hudyat na
papalapit na rin ang Kapaskuhan. Ngayon pa lang ay binibihisan na ng
mga palamuting pamasko ang ilang malalaking tindahan, habang
pinatutugtog ang mga “Christmas carol” na ating kinagiliwan sa
mahabang panahon.

Madarama rin ang maagang paghahanda sa Pasko sa masiglang kalakalan ng
mga panindang patok na patok sa panahong ito, laluna ang mga makukulay
at magagarang laruan na paboritong pangregalo sa mga anak, pamangkin
at ina-anak.

Sa maraming mamamayan ay numero uno ang Divisoria sa pamilihang
mapagkukunan ng mga bagsak-presyong laruan na karamihan ay inangkat
mula sa Tsina. Ang 168, Divisoria Mall, New Divisoria Center at mga
karatig na tindahan ay matatawag ngang paraiso para sa mga “bargain
hunter.”

Pero, hindi lahat ng mga laruang maganda sa mata at makapagpapasaya sa
mga bata ay ligtas.

Sa Singapore noong nakaraang buwan (Agosto 16) ay inilabas ng isang
“consumer protection group” ang isang nakakatakot na katotohanan sa
mga laruan na dapat sana ay ngiti at saya ang dala para sa mga bata.

Sa ulat ng Consumer Association of Singapore ay 23 sa 50 laruan na
kanilang binili sa iba’t ibang tindahan sa kanilang bansa at ipinasuri
sa isang pribadong laboratoryo ang nakitang nagtataglay ng
katakut-takot na mga kemikal na “lead” at “phthalate.”

Ang mga laruang kanilang pinili upang ipasuri ay mga laruang may
matitingkad at makukulay na pinta (indikasyon ng posibleng
sobra-sobrang “lead”) at mga laruang gawa sa malambot at lastikong
plastik (indikasyon ng posibleng labis-labis na “phthalate”).

Ang “phthalate” na karaniwang ginagamit na pampalambot sa mga plastic
na polyvinyl chloride (PVC) ay nagdudulot ng pinsala sa “reproductive
system”. Ang DEHP o “di (2-ethylhexyl) phthalate” ay “suspected
carcinogen.”

Mapanganib ang kemikal na ito, laluna sa mga bata, kaya naman
ipinagbabawal ang paggamit nito sa mga laruan at iba pang gamit
pambata sa Estados Unido at Europa.

Ang “lead” naman ay kilalang lason sa utak na maaaring magdulot ng
masamang epekto sa pag-iisip at pag-unlad tulad ng “attention
deficit,” "learning disabilities," “decreased IQ scores” at
“behavioral problems.”

Sa 23 laruan na bumagsak sa “chemical toxicological test,” 16 ang
lumampas sa “limit” para sa phthalate, 3 ang humigit sa “limit” para
sa “lead” at 4 ang lumagpas sa “limit” sa parehong “phthalate” at
“lead.”

Dagdag pa, 5 sa mga laruang ito ang lagpak sa “physical/mechanical
test” at karamihan rin ay walang taglay na tamang etiketa.

Upang matiyak na ligtas ang mga laruang ipinagbibili sa Divisoria at
gayundin sa mga “shopping mall” ay nararapat lamang na magsagawa ng
malawakang pagsusuri ang pamahalaan, partikular ang Kagawaran ng
Kalusugan (DOH) at Kagawaran ng Kalakalan at Industriya (DTI).

Kahit na sinasabing "non-toxic" sa etiketa ay kailangang matiyak na
totoo ito at hindi mapanlinlang na patalastas lamang.

Karapatan ng bawat bata ang ligtas na laruan, at responsibilidad
nating matatanda na tiyakin ito.

0 comments:

Post a Comment