Thursday, September 23, 2010

Kulturang plastic

BAKIT ba ang hilig natin sa disposable kagaya ng plastic? Pero
disposable nga ba itong masasabi? Disposable sa atin dahil madali
natin itong maitatapon, pero sa pupuntahan nitong basurahan o
lansangan, siguradong hindi ito disposable. In fact, ito ay
non-biodegradable. Ibig sabihin hindi ito matutunaw basta-basta sa
natural na proseso. Pwede mo itong sunugin pero may direktang epekto
ito sa ating atmosphere.

Nakakalungkot mang isipin pero sinisimbolo ng plastic ang ating
panahon na mahilig sa instant o mabilisang paraan ng packaging or of
doing things. Kagaya halimbawa ng instant yaman. Ito ang dahilan kaya
mahaba ang pila sa lotto outlets pag milyun-milyon na ang jackpot.
Pero lumabas din sa pag-aaral na hindi lahat ng biglang yumaman ay
umayos ang buhay. Maraming dokumentaryo ang nagpatotoo na maraming
instant multi-millionaires ang hindi nagtagal ay bumalik din sa
kahirapan. Ayon sa sociologists, walang social preparation ang mga
instant yaman at hindi nila na-handle ang pressure ng pagbaha ng pera
sa buhay nila.


Instant na relasyon


Uso na rin ngayon ang instant relasyon na madalas makabiktima ng
vulnerable na kabataan at unsuspecting o clueless adults. At ito ay
mas laganap ngayon kasabay nang pagdating ng makabagong teknolohiya na
kagaya ng Internet at cellphone. Kadalasan, nauuwi ito sa kapahamakan
o malagim na trahedya.

At sino ang hindi aamin na lahat tayo in one way or another ay
nakatikim na rin ng mga instant food dahil wala na tayong oras para sa
home cooking. Pag instant food, ibig sabihin mabilisan din natin itong
kakainin. May oras pa ba sa family bonding?

Pero alam ba natin na ang pinakamasarap na luto ay ’yung cooked slow
in low fire? Nabanggit natin ito dahil sa isyu ng plastic na ayon sa
mga expert ay isa sa pinakamalaking sanhi ng pagbaha.


76% plastic


Matapos ang pagbahang dulot ni Ondoy noong isang taon makikita sa mga
railings at poste, mga bakod at kalye ang mga plastic bags, plastic
wrappers, styrofoam, plastic bottles at mga plastic ng iba-ibang food
products na sumasayaw sa hangin na para bang sinasabing: “Hello,
gumising na kayo, mauulit na naman ang pagbaha pag ipinagwalang-bahala
n’yo ang presence namin.”

Ayon sa isinagawang survey ng Greenpeace at EcoWaste Coalition noong
2006, halos umabot sa 76% ng mga basurang nakuha sa Manila Bay ay
plastic bags at iba pang synthetic packaging materials.


Ayos! Los Baños


May paraan ba? May pwede ba tayong gawin? Sa progresibong bayan ng Los
Baños, Laguna, may batas na ipinasa ang Sangguniang Bayan kung saan
mahigpit na ipinagbabawal ang paggamit ng plastic at styrofoam. Ang
author ng ordinansa ay si Konsehal Luisa “Wuwu” Wassmer. Ano ang
ginagamit nilang alternative sa plastic?

Sa lahat ng supermarket at groceries, paper bag na ang ginagamit. Kung
madami kang pinamili, sa grocery box ito ilalagay. Ginagamit na rin
ang ibang tradisyunal na pwedeng gawing paglagyan ng pinamili kagaya
ng bayong, basket, katsa, papel, basta hindi plastic. O kaya ay
ine-encourage ang mga mamimili na magdala ng kanilang sariling
lalagyan ng pinamili.

Si ex-mayor of Los Baños, now Vice Governor Cesar Perez, ay patuloy na
tumutulong upang mahigpit na maipatupad ang batas sa pamamagitan ng
araw-araw na pagbisita sa mga pamilihan. At bilang suporta pa rin sa
programa, nagpatayo sila ng materials recycling facility. So talagang
integrated ang approach sa pagharap sa problema sa plastic at basura.


May ngipin ang batas


At ’yan ay napakahalaga. Maaaring meron tayong magagandang batas pero
kung hindi naman naipatutupad ito ay mauuwi rin sa wala. At marahil ay
ipinakita rin ng taga Los Baños ang kahandaan at maturity sa
pagtatakwil sa plastic bilang isang insidious agent of environmental
degradation. Congratulations sa mga taga Los Baños.

Kung kaya itong simulan at ipatupad ng maliliit at medium-sized na
negosyo, siguradong mas may kakayahang ipatupad ang
environment-friendly na packaging materials ng mga popular at big
players sa fast food industry.

Sa Los Baños pa rin, nagawa ng mga giant fast food chains na tumupad
sa pamamagitan ng pagsi-serve ng food sa mga paper plates at paper na
packaging. Kung nasimulan na nila ito sa Los Baños, mas malaki ang
tsansa na maipatupad ito sa mas marami pang lugar kung saan meron
silang branch. Pero ’yan ay nakabase sa political will ng mga LGU.
Dahil ang batas na may ngipin ay hindi tumitingin kung ikaw ay small
o big player.


Kwentong basura pa


Kaugnay pa rin ng paksang basura natin maraming nasakote ang MMDA
personnel nu’ng muling buhayin ang anti-littering law sa Metro Manila.
At kagaya ng inaasahan maraming palusot, maraming katwiran. Hindi ba
ang kalinisan ay dapat bahagi ng pang-araw-araw nating buhay?

Bakit ba ang dali para sa atin ang basta na lang magtapon ng basura.
Siguro kailangan natin laging isipin na ang lansangan ay akin at kung
ito ay akin hindi ko ito sasalaulain. Pero wala pa marahil ito sa
consciousness ng marami nating mga kababayan. Sa ngayon, mas
nagko-cooperate ang ating mga kababayan kung alam nilang ang paglabag
sa batas sa kalinisan ay may katapat na kaparusahan.

Pero hindi tayo nawawalan ng pag-asa. Darating din ang panahon na
hindi na tayo magkakalat sa lansangan dahil tayo na mismo ang
magsasabi sa ating sarili na hindi tama ang ganitong gawain.

0 comments:

Post a Comment