KUNG political will ang kailangan para masugpo ang pamamayagpag ng
jueteng, ito rin ang dapat gamitin para wakasan ang paggamit ng
plastic bags na pangunahing basura na dahilan ng mga pagbabara ng
estero at mga kanal tuwing bumabaha.
May mga pag-aaral ang Eco Waste Coalition na ang mga produktong
plastic, partikular ang plastic bags ay mula sa ‘petroleum’ at ito ay
non-biodegradable o hindi natutunaw.
Sa datos ng UN Environment Protection Agency, halos nasa 500 triyon ng
plastic bags ang nakukunsumo sa buong mundo kada taon subali’t wala pa
sa isang porsyento nito ang nare-recycle.
Magugunita na makalipas ang bagyong Ondoy at Pepeng nitong 2009, halos
mga plastic bags ang nakuhang basura na nakabara sa mga kanal.
Maraming buhay ang nawala, bilyun-bilyong piso ang halaga ng pinsala
mula sa inprastraktura, agrikultura, maituturing na malaking dagok sa
ating ekonomiya.
Sa joint committee hearing ng Senate Committee on Trade and Industry
ni Sen. Manuel Villar at Environment Committee ni Sen. Juan Miguel
Zubiri, iginiit ni Villar ang 100 porsyento rekomendasyon sa
pagbabawal ng paggamit ng plastik bags.
Ito ay matapos na marinig ang panig ng ilang mga imbitado mula sa
non-government organizations at hindi tuluyang makumbinsi sa mga rason
ng mga may-ari ng pagawaan ng plastic sa bansa.
“By simply banning it, tapos ang problema. It can spawn other
businesses,” diin ni Villar.
Iginiit ni Crispian Lao, president, Philippine Plastic Industry
Association, “recycled plastic are not burned but transformed to other
products. The problem arises when these plastic bags are not
recovered and when they go straight to dumpsites or waterways or
bodies of water. There are no harmful emissions because we transfer
it to onother product.”
Sinabi pa nito na nagkakaroon lamang ng problema sa paggamit ng
plastic bags ay yung maninipis ang pagkagawa at agad na itinatapon
dahil mabilis mapunit. Ang makakapal naman ay maaaring i-recycle ng
paulit-ulit.
Kinontra din ni Lao ang pahayag ng Solid Waste Management Association
of the Philippines (SWAPP) na 75 porsyento ng basura mula sa Local
Government Units (LGUs). “These plastic wastes go to recycling
facilities.”
Nabatid din sa pagdinig na 7,000 lamang mula sa 42,000 barangays ang
may ‘segregation and ecological waste management.”
Ayon kay Villar, sa halip na plastic ay gumamit ng recycable at
environment-friendly bags sa pamimili, sa shopping malls o sa
pamamalengke gaya ng mga bayong.
Naniniwala ang mambabatas na dapat suportahan ang kampanayang ito
laban sa paggamit ng plastic bags dahil makatutulong ito na makatipid
sa enerhiya at mga likas na yaman. Makababawas din ito sa bulto ng
basura na itinatapon sa araw-araw at himukin ang bawat mamamayan na
isulong ang pangangalaga sa ating kalikasan at kapaligiran.
Inirekomenda rin ni Villar sa shopping malls, groceries at mga
tindahan na i-charge o pabayaran ang bawat plastic bag na lalagyan ng
pinamili at ang benta nito ay dapat na mapunta sa isang foundation.
“Baka naman kasi pagkakitaan pa nila ito.”
Tinukoy naman ni Sonia Mendoza, chairperson, Mother Earth Foundation,
na ang Bangladesh ang kauna-unahang bansa na nagbawal sa
pagma-manufacture at paggamit ng plastic bags noong 2002, sinundan ng
South Africa, france, China at Taiwan.
“There is a need to compel manufacturers to implement a take back
system for end-of-life products, particularly single-use plastic
products. Prioritize a law that aims to bans the use of plastic,’ ani
Mendoza .
Kasabay nito, nangangamba si Lao sa posibilidad na mawalan ng
trabaho ang tinatayang 175,000 na mga manggagawa ng plastic kung
isusulong ang pagbabawal ng paggamit ng plastic. Kwarenta (40)
porsyento dito ay ‘plastic bag makers.”
Tiniyak naman ni Villar na bibigyan ng alternatibong industriya ang
nasabing mga manggagawa upang maresolba lamang ang problemang dulot ng
plastic.
MULTA
Alinsunod sa panukala ni Sen. Villar, dapat na striktong ipatupad ng
lahat ng all department stores, malls, at retail establishments namay
3 o higti pang mga sangay o tanggapan sa bansa na may capital na
mahigit sa P5 milyon ang paggamit ng ‘reusable and
environment-friendly shopping bags.’
Matapos ang tatlong taon na ‘effectivity’ ng naturang batas, dapat na
maging pangunahing ‘requirement’ ito sa sinomang nagnanais na
magparehistro na makapagtayo ng negosyo.
Magmumulta ng mahigit sa P100,000 ang mapatutunayang establisemento na
lalabag sa naturang batas at pagsasawalang bisa ng lisensiya nito na
makapa-operate ng kanilang negosyo.
Basura sa Laguna de Bay, kinunsinte ni Cataquiz
KINUKUWESTIYUN ng mga residente ng Southpeak sa San Pedro, Laguna kung
bakit kinukunsinte ng mga local na opisyales ang pagtatapon ng
tone-toneladang basura dito gayung nalalason nito ang mismong Laguna
de Bay na pinagmumulan ng kanilang kabuhayan.
Ayon sa isang residente na matagal nang naninirahan sa Southpeak,
tinatayang anim na kilometro lamang ang lapit ng dumpsite sa bunganga
ng Laguna de Bay.
Dumadaloy ang nakalalasong katas ng basura at iba pang polusyon sa
Laguna de Bay dahil sa Tunasan River na nagsisimula sa mababang bahagi
ng dumpsite.
Ang Laguna de Bay ang pangunahing lawa na pinagmumulan ng mga isdang
tabang na nabibili sa Metro Manila. Higit sa 70 porsiyento ng mga
isdang ibinebenta sa mga lokal na palengke ay huli mula rito.
Pangingisda ang pangunahing hanapbuhay ng mga naninirahan sa paligid
ng lawa at nanganganib na magutom ang pamilya ng marami sa mga
mangingisda dahil sa pagkasira ng lawa.
“Ang Laguna Lake Development Authority (LLDA) na inatasan ng DENR
(Department of Environment and Natural Resources) para protektahan ang
Laguna de Bay ay parang nagsasawalang-kibo at hindi iniintindi ang
matinding panganib na dulot nito,” anang source.
Marami sa mga resident ng Southpeak ang nagdududa kung may kinalaman
ba dito si San Pedro Mayor Calixto R. Cataquiz dahil patuloy pa rin
ang operasyon ng dumpsite sa kabila ng kanilang pagtutol.
Batid na rin ng pulisya ng San Pedro ang pagkakaroon ng mga armadong
guwardiya sa palibot ng dumpsite kaya ganoon na lamang ang pangamba
ng ilang grupong makakalikasan na sadyain ang lugar para pag-aralan
ang tunay na sitwasyon doon.
“Totoo ang kasabihang ‘may pera sa basura.’ Pero ang hindi naiisip ng
mga taong nagkakamal ng milyon-milyong tongpats na maaaring
magkaroon ng malalaking problema sa kalusugan at kalikasan ang
mamamayan ng San Pedro,” ayon sa isang konsehal na tumangging
magpakilala.
0 comments:
Post a Comment