Thursday, September 23, 2010

EDITORYAL - Basurang plastic

NANG dumaong ang USS George Washington sa Manila Bay noong nakaraang
buwan at magbababaan ang kanilang mga opisyal at tauhan, hindi pala
pagpapasarap at pagliliwaliw ang sadyanila rito, tumulong sila sa
paglilinis ng mga basura. Hindi lang basta basura ang kanilang nilinis
—makapal na basura na nakatakip sa daanan ng mga tubig. Pawang plastic
ang kanilang dinakot sa mga estero. Hindi marahil makapaniwala ang mga
navy personnel na ganito karami ang basura sa mga daanan ng tubig. At
siguro’y naitanong ng mga ito sa sarili kung bakit hinahayaan ng
gobyerno na dumihan ng mga tao ang ilog at estero. At siguro’y
naitanong din kung bakit pinahihintulutan na gumamit ng mga plastic
bags gayung ang mga ito ang numero unong nagpapabara ng mga daanan ng
tubig. Sa halos lahat ng estado sa US, ban ang paggamit ng plastic
bags. Supot na papel ang pinaglalagyan ng groceries.

Nang bumaha noong nakaraang taon dahil sa pananalasa ni Ondoy, ang mga
basurang plastic ang itnurong dahilan kung nagkaroon nang malaking
baha. Sa dami ng mga basurang plastic na nakaharang, hindi kinaya ng
ilog kaya umapaw. Giniba ang mga pader ng mga bahay at marami ang
humantong sa kanilang bubungan. Mayroon umanong isang bahay sa
Marikina na pawang supot na plastic ang nakuha sa loob. Iba’t ibang
kulay ng plastic bags ang nakita. Nagkatotoo na ang anumang itapon ay
babalik din at mas marami pa.

Noong isang araw ang grupo ng sikat na aktor at environmentalist na si
Roy Alvarez ay nagpanukala na dapat nang huwag gumamit ng plastic bags
ang mamamayan. Bukod sa grupo ni Alvarez, may iba pang grupo na
nananawagang supot na papel sa halip na plastic ang paglagyan ng mga
paninda. Sa Nagcarlan, Laguna, ang Mercury Drug Branch doon ay supot
na papel o brown paper ang ginagamit sa halip na plastic bag.

Nararapat nang ipagbawal ang paggamit ng mga supot o bag na
plastic. Napatunayan na ang mga plastic ang dahilan kaya may mga
pagbaha. Hindi natutunaw ang mga plastic at kahit na ibaon sa lupa ay
buo pa rin. Patay na ang tao pero ang plastic ay buhay pa rin. Panahon
na para lubusang mawala sa mundo ang mga plastic.

0 comments:

Post a Comment