Sa pagsapit ng unang anibersaryo ng bagyong Ondoy na humagupit sa
bansa noong 2009 ay kilalanin nawa ng bawat mamamayan ang hamon na
igalang at alagaan ang Sierra Madre, ang ating Inang Kabundukan.
Maganap man o hindi ang inaasam-asam na pagtatalaga sa Setyembre 26
bilang “Araw ng Pagtatanggol ng Sierra Madre” ng pamahalaang Aquino ay
tayo ng mga mamamayan ang magtanim at magpayabong nito sa ating mga
puso at buhay.
Tayong mga mamamayan na ang magpasimuno sa mga kinakailangang hakbang
upang maipagtanggol ang Sierra Madre laban sa pagtotroso, pagmimina,
pagtatambak at iba pang mapanirang gawain na sumasagka sa kanyang
kakayahan na kalingain tayo laluna sa panahon ng palalang krisis
pangklima.
Bilang pakikiisa at pasasalamat na rin sa adhikain ng Save Sierra
Madre Network (SSMN) at sa hindi mapapantayang mga pagsusumikap ng
ating mga kapatid na katutubo na arugain at ingatan ang kanilang
lupain, kultura at buhay ay nais kong ibahagi sa inyo ang panalanging
ito ni Fr. Pete Montallana.
Si Fr. Montallana ay tagapangulo ng Task Force Sierra Madre at
“convenor” ng SSMN, kasama sina dating gobernador Grace Padaca ng
Isabela at Dr. Angelina Galang ng Green Convergence.
“Dakilang Lumikha ng Inang Kalikasan, sa aming pag- gunita sa mga
pinsala na idinulot ng bagyong Ondoy noong nakaraang taon, na hindi
sana nangyari kung iginalang namin at inalagaan ang Sierra Madre. Amin
pong alay sa Iyo itong Araw ng Pagtatanggol ng Sierra Madre.”
“Taos puso kaming nagpapasalamat sa pagkakaloob mo sa amin ng Sierra
Madre, sa kanyang mga bundok, ilog, ang mga punong kahoy at mga
halaman, sa mga hayop at isda, samu’t saring nilalang. Lubhang
napakaganda ang iyong bawat nilikha. Lahat ay magkaka-ugnay- ugnay,
may kanya-kanyang gampanin.”
“Ipinunla mo sa aming mga kapatid na katutubo, ang malalim ng
pagkaunawa na ang Sierra Madre ay isang ina na nagbibigay buhay sa
masaganang pagkain, inumin at iba pa, na bumubuhay sa iba’t-ibang uri
ng may buhay (bio-diversity). Ngunit sa pagdating ng ibang dayuhan,
binago nito ang pananaw ng marami na hindi sa kapatiran at paggalang
sa kalikasan ang pamantayan kundi sa salapi at marangyang kabuhayan.”
“Kaya nga aming pinagsamantalahan, nilapastangan at itinuring na
palabigasan ang kanyang kayamanan sa aming walang patumanggang
pagputol ng kahoy sa kabundukan at pag sipsip at pagmimina sa
lupang-yaman. Sa ngalan ng kaunlaran, pati ang mga katutubo ay
pinagkaitan ng mga karapatan dahil daw sila ay mga mangmang.”
“At sa aming kasakiman, kapabayaan at kawalan ng pakialam, kami ngayon
ay nahihirapan dahil ang tubig na dating masagana at nagbibigay buhay,
ngayon ay pinagkakahirapan at kumikitil ng buhay at sumisira sa mga
ari-arian kapag umulan ng umulan. Patawad po, Bathala. Patawarin
ninyo kami, Inang Sierra Madre, sa aming mga pagkukulang at
pagwawalang bahala sa inyo, aming Inang Kalikasan.”
“Panginoon ng buhay, sa araw pong ito – ang Araw ng Pagtatanggol ng
Sierra Madre, hinihiling po naming tulungan Ninyo kami na maituwid ang
aming pagkakamali, bigyan liwanag ang aming mga isipan at gabayan kami
kung paano naming muling ibabalik ang ganda ng kagubatan. Pasiglahin
po ninyo ang aming mga diwa at tulungang magkaisang manindigan sa
pagtatangol at pangangalaga ng Sierra Madre.”
“San Francisko ng Asisi, pintakasi ng Kalikasan, ipanalangin mo kami.”
Halina’t bigyan natin ng higit na malalim na kahulugan ang bagyong
Ondoy sa ating buhay. Ipagtanggol ang Sierra Madre!
0 comments:
Post a Comment