SA loob ng anim na payak na mga pangungusap at matinding kahirapan sa pagsasalita ay ipinarating ni Shinobu Sakamoto sa buong daigdig ang kanyang hiling:
“My name is Shinobu Sakamoto. I have a congenital Minamata disease. Minamata disease is not over. The Japanese government and people must learn more properly about the Minamata disease. Please make sure Minamata disease never happens again. Please create an ambitious treaty.”
Si Shinobu, 54, mula sa Minamata, Japan ay may malubhang sakit na lumitaw simula pa noong siya ay isilang dahil sa pagkakalantad sa asoge (mercury) habang siya ay nasa sinapupunan pa lamang ng kanyang butihing ina.
Binigkas niya ang kanyang madamdaming pakiusap sa pagbubukas noong Lunes, Enero 24, ng ikalawang Intergovernmental Negotiating Committee (INC2) sa Chiba, Japan para himayin ang mga elemento na dapat ipaloob at palawigin sa isang pandaigdigang tratado na pupuksa sa polusyong dulot ng asoge.
Ang INC2 na matatapos sa Enero 28 ay nilalahukan ng daan-daang delegado mula sa mga gobyerno, mga ahensya ng United Nations, industriya at kalipunang sibil, kasama ang Kagawaran ng Kapaligiran at Likas na Yaman (DENR) at mga environmental NGOs tulad ng Ban Toxics, Global Alliance for Incinerator Alternatives at Health Care Without Harm.
Si Shinobu ay isa sa may tinatayang 50,000 biktima ng pagkakalason sa asoge dahil sa kontaminadong basurang tubig na itinapon sa Minamata Bay ng Chisso Corporation noong 1950s . Bago ang pormal na pagkakilala sa “Minamata disease” noong Mayo 1, 1956 ay binansagan itong “cat dance disease” dahil sa sintomas na panginginig at pangingisay ng mga biktima.
Sa isang mas mahabang panayam noong Linggo ay ibinahagi ni Shinobu ang kanyang damdamin sa karamdamang pasan-pasan simula pa noong siya ay isinilang, ang naudlot na pangarap na maging kindergarten teacher, ang pagkalinga ng kanyang mapagmahal na ina na ngayon ay 80 taong gulang na at ang kanyang mga minimithi, kasama ang “group home” para sa mga kapwa niya biktima upang sila ay makapamuhay ng maaliwalas at may seguridad.
“Minamata has not ended. It’s not finished yet. Even today there are many patients having Minamata disease. New victims have emerged,” paalala ni Shinobu.
Ipinahayag rin niya ang kanyang hindi pagsang-ayon na ipangalan sa Minamata ang binabalangkas na tratado. “I’m against the idea of calling the treaty as Minamata Convention.”
Si Shinobu, kasama ang maraming grupo sa loob at labas ng Hapon, ay tutol sa panukala ng pamahalaang Hapon na tawagin ang tratado na “Minamata Convention” hanggang hindi pa nabibigyan ng makatarungang tugon ang mga lehitimong hinaing at pangangailangan ng mga biktima ng Minamata disease.
Ang panawagan na huwag kalimutan ang mga aral ng trahedyang Minamata ay sinambit rin ng iba pang biktima ng Minamata disease na nabigyan ng pagkakataon na magsalaysay sa harap ng mga delegado ng INC2.
Naroroon sa Chiba ang iba pang tinaguriang “storyteller” mula sa Minamata tulad ni Hajime Sugimoto na ang ina na isang “storyteller” rin ay binawiang ng buhay noong 2008, matapos ang matagal na pakikipaglaban sa Minamata disease. Ang ama, lolo at lola ni Hajime ay may Minamata disease.
Sa pamamagitan ng mga tinig nina Shinobu, Hajime at marami pang iba ay hindi mababaon na lamang sa limot ang trahedya ng Minamata at ang patuloy na pakikibaka ng mga biktima para mabuhay ng may dignidad at hustisya.
Ang kanilang imortal na kuwento ay patuloy na mabuhay nawa sa isip at puso ng lahat, laluna ng mga may direktong kinalaman sa pagbubuo ng pandaigdigang kasunduan laban sa asoge.
Nawa’y huwag nating ipagkanulo ang mga biktima ng polusyong asoge sa Minamata at sa iba pang Minamata sa Pilipinas at sa iba pang mga bansa at buuin ang pinakamabisa at pinakamakatarungang tratado na tunay na susugpo sa lasong asoge.
0 comments:
Post a Comment