Wednesday, January 5, 2011

Mag-alay ng malinis at ligtas na pista kay Poong Nazareno

Sa darating na Linggo, Enero 9, ay muling bubuhos sa lansangan ang milyun-milyong mga deboto ng Itim na Nazareno upang tupdin ang kani-kanilang mga personal na panata at papagningasin ang kanilang pananampalataya.

Sa taunang paggunita sa “Traslacion” – o ang paglilipat ng imahe ng Itim na Nazareno noong 1787 mula Luneta (ang lumang Bagumbayan) patungong Quiapo – ay masasaksihan ang nag-uumapaw na debosyon ng milyung mga Pilipino kay Nuestro Padre Jesus Nazareno (NPJN) na matibay na makakapitan ng lahat, laluna sa panahon ng mga matitinding pagsubok sa buhay.

Subalit sa kabila ng masidhing paniniwala kay Poong Nazareno ay tila marami sa atin ang nakakalimot na bahagi ng isang buhay na debosyon ang pagkalinga sa ating kapaligiran, kasama ang pag-iwas sa paglikha ng anumang basura at ang responsableng pangangasiwa sa ating mga panapon.

Nakakalungkot na matapos ang dakilang prusisyon ng “Traslacion” ay halos matakpan na ng mga pinaghalong basura ang maraming kalye sa Quiapo, ang “dambana” ng mahal na Itim na Nazareno.

Sa aking pakikipag-usap kay G. Juan V. de la Cruz, OIC ng Operation Division ng Department of Public Services ng lungsod ng Maynila noong Lunes ay aking nabatid na dumodoble ang karaniwang 18 toneladang basurang nakokolekta araw-araw sa Quiapo.

Tuwing pista ay umaabot sa 36 na tonelada kada araw ang mga basurang hinakahot mula sa Quiapo o 72 tonelada sa dalawang araw na pista sa Enero 8 at 9. 80-85 porsyento nito ay mga panapong nabubulok na maaari sanang ipakain sa hayup o gawing pataba ng lupa.

Ang paglikha ng sangkaterbang kalat at basura tuwing pista ng Quiapo ang nagtulak sa EcoWaste Coalition na muling makiusap sa liderato ng simbahan, barangay at sa mga deboto mismo na magkaisang itaguyod ang malinis at ligtas na pagdiriwang.

Sa kanyang liham sa Kura Paroko ng Simbahan ng Quiapo na si Msgr. Jose Clemente Ignacio, hiniling ni Roy Alvarez, Pangulo ng EcoWaste Coalition, ang isang malinis na pista na akma sa banal na okasyon.

“Kami ay nakikiusap sa inyo at sa lahat ng mga deboto ng NPJN na magkaisa sa pagtitiyak na ang maringal na pagpapatunay sa ating Kristiyanong pananalig ay sasalamin rin sa ating sama-samang tungkulin na pangalagaan ang kapaligiran,” sabi ni Alvarez sa kanyang sulat kay Ignacio.

“Kami ay umaasa na tutupdin ng mga deboto mula sa Metro Manila at malalayong lugar ang kanilang mga panata sa pamamaraang hindi makapagpapalubha sa problema sa basura at sanitasyon sa Quiapo,” dagdag niya.

“Maging responsable po tayo sa ating mga panapon at huwag magkalat sa ating paligid,” pakiusap niya.

“Sa pakikipagtulungan ng bawat isa ay maibubuwelta natin ang alon ng basura na nagpapapusyaw sa dakilang komunyong ito ng mga may pananalig kay NJPN,” dagdag pa niya.

Ang malinis at ligtas na pista, ayon sa EcoWaste Coalition, ay angkop na angkop sa tema ng pagdiriwang sa taong ito: “Yapak ng Poong Nazareno, Yakap ng Sambayanan sa Pagbabagong Buhay.”

“Ang ating pamimintuho sa Itim na Nazareno ay nangangailangan ng pagkalinga at paggalang sa Kanyang Sangkalikasan,” paalala ng EcoWaste Coalition sa lahat.

Sa ating pagpunta sa Quiapo ay baunin sana natin ang paalalang ito.

0 comments:

Post a Comment