Tuesday, January 18, 2011

Panawagan kay Mayor Lim na Tuldukan ang "Lastay-Lustay"

GAYA ng Tondo ay ipagdiriwang ng Pandacan ang kapistahan ng Santo Niño sa darating na Linggo. Parehong kilala ang mga lugar na ito sa lunsod ng Maynila sa maringal na debosyon sa Batang Hesus na aktibong nilalahukan ng mga lokal na residente at humahalina sa libu-libong sumasampalataya mula sa malalayong lugar.

Tanyag rin ang pista ng mapaghimalang Santo Niño de Pandacan at Santo Niño de Tondo sa makukulay na parada, patimpalak at paggagayak ng mga kalahok na barangay tulad ng paglalagay ng mga arko at paghahanay ng mga pamistang banderitas sa mga kalye at eskinita.

Noong Martes ay nasumpungan kong bumisita sa Pandacan na mas malapit sa amin sa Makati kaysa sa Tondo upang tingnan ang kanilang paghahanda sa pista, laluna ang pagpapalamuti sa mga lansangan na talagang pinagtutulung-tulongan ng mga magkakapitbahay at magkakabarangay.

Pakay ko rin na makapangalap ng impormasyon tungkol sa paggamit ng plastic bag sa paggawa ng mga pamistang banderitas o lastay. Nito kasing mga nakaraang taon ay naging laganap ang paggamit ng mga bago, maninipis at makukulay na supot na plastik bilang lastay, laluna sa Pandacan at Tondo.

May 55,000 pirasong pulang plastic bag ang ginamit, sabi mismo ng mga residente, sa kalye Narciso sa Barangay 848, Zone 92 na talagang nagpapula sa langit dahil sa masinsin na pagkakaayos nito.

Sa kalye Pandacan at Talundon naman sa Barangay 833, Zone 91 ay 15,000 pirasong asul na plastic bag ang nagamit ayon kay Kagawad Rez Cabunilas.

Sabi naman ni Kagawad Violeta Casidsid at Luzviminda Armobit ng Barangay 862, Zone 94 ay may 15,000 piraso ang nagamit sa kalye Adolfo at 16,000 sa kalye Laura na kulay asul, dilaw, pula at puti.

Ang bawat 1,000 ng mga plastic bag na ginamit, ayon kina Kagawad Casidsid at Armobit, ay nagkakahalaga ng P56. Gumastos rin sila para sa taling plastik na P50 bawat rolyo at para sa alambre na P75 naman bawat kilo.

Sadyang mapang-aksaya ang nauusong lastay ngayon na pagkatapos ng pista ay tatanggalin sa pagkakasabit, itatapon sa basurahan, hahakutin ng trak, dadalhin sa Pier 18 at saka ililipat sa tambakan ng basura sa Barangay Tanza, lunsod ng Navotas. O dili kaya’y susunugin o liliparin ng hangin at magiging bara sa kanal o kalat sa mga ilog at dagat.

Dahil dito ay wastong tawagin na “lustay” ang ganitong uri ng ng mapang-aksayang lastay na dumaragdag lamang sa problema sa basura na ating binubuno sa araw-araw.

Ang “lastay-lustay” ay walang dudang pabigat kay Inang Kalikasan na madaling lutasin kung ititigil at papalitan ng mas responsableng pagpapalamuti na hindi makakasira sa kapaligiran at klima.
Kaya naman nanawagan ang EcoWaste Coalition kay Mayor Alfredo Lim, Vice Mayor Isko Moreno at buong pamunuan ng lunsod na tuldukan ang paglipana ng mga “lastay-lustay”sa Maynila.

Kung mangyayari ito ay malamang na magsunuran na rin ang buong bansa at yakapin ang luntiang pagdiriwang sa ating pananalig at kultura.

0 comments:

Post a Comment