Hindi pa umano natatapos sa pagdami ng bilang ng mga nasugatan at nasawi ang masamang epekto ng paputok, dahil inaasahan na ng isang environmental group na sa mga darating na araw ay maraming tao pa ang magkakasakit sa baga, dahil sa usok na dulot ng firecrackers.
Kaugnay nito, ngayon pa lamang ay pinayuhan na ng EcoWaste Coalition ang publiko na sa susunod na pagsalubong sa Bagong Taon ay iwasan na ang paggamit ng mga paputok o firecrackers.
Ayon kay EcoWaste Coalition President Roy Alvarez, tiyak na “pagbabayaran” ng mga mamamayan ang ginawang pagsasaya sa paggamit ng paputok nang salubungin ang taong 2011.
Babala ni Alvarez, ilan sa mga sakit na maaaring makuha dahil sa walang habas na pagpapaputok ay asthma at allergic rhinitis.
Paliwanag ni Alvarez, ang mga “fine particles” sa hangin na galing sa paputok ay maaaring makapasok sa baga, habang ang ilan pa dito ay tiyak na humalo na at nagdulot ng polusyon sa hangin.
Partikular na tinukoy ng grupo na mas lantad sa mga respiratory ailments ay ang mga bata, matatanda at may sakit sa puso at baga.
Sinabi pa ng grupo na para maging epektibo, dapat na pangunahan mismo ni Pangulong Aquino ang kampanya laban sa paputok tulad ng ginawa nito sa “wang-wang”.
0 comments:
Post a Comment