Friday, October 22, 2010

Simple Lang

Huwag Balutan ng mga Poster si Inang Kalikasan

Simula Oktubre 14 ay magsisimula ang kampanya para sa eleksyon sa
Oktubre 25 na kung saan ay libu-libong mga kandidato ang magtatagisan
sa 336,200 puwesto sa mahigit 42,000 barangay sa buong kapuluan.

Upang maipabatid sa mga kandidato ang kritikal na kondisyon ng ating
kapaligiran ay isang malikhaing pagkilos ang isinagawa ng mga kasanib
ng EcoWaste Coalition sa harap ng Quezon City Hall na nagpapakita sa
isang may sakit na Inang Kalikasan.

Sa naturang pagkilos ay makikitang nakaratay sa isang kama ng mga
basurang plastik si Inang Kalikasan, may nakasubong non-mercury
thermometer sa bibig at nababalot ng isang kumot.

Ang kumot na gawa mula sa mga pinagtagpi-tagping campaign material na
tira mula sa eleksyon noong Mayo 2010 ay pagpapakita sa posibleng
mangyari sa papalapit na halalan – ang muling mabalutan ng mga poster
si Inang Kalikasan.

Nasa tagiliran naman ni Inang Kalikasan ang tatlong kababaihan na tila
“Tatlong Hari” na inihahandog ang mga dalang kahon ng balota na
sumasagisag sa kapangyarihan ng mamamayan na magluklok ng mga pinuno
na mangangalaga at magpapagaling kay Inang Kalikasan.

Tungo sa pangangampanyang may pagrespeto kay Inang Kalikasan ay muling
inilabas ng EcoWaste Coalition ang kanilang patnubay para sa
makakalikasang pangangampanya:

1.Huwag magpako, magsabit o magdikit ng mga campaign material sa mga
puno at iba pang lugar na ipinagbabawal ng COMELEC. Igalang ang mga
puno!

2.Huwag gumastos ng lampas sa itinakdang hangganan ng COMELEC na
tatlong piso lang kada rehistradong botante sa barangay. Ang
labis-labis na paggastos ay pandaraya rin.

3.Huwag magpagawa at magpamudmod ng sangkaterbang campaign material na
kinalaunan ay magiging basura lamang.

4.Huwag gumamit ng mga mausok na sasakyan sa motorcade. Maglakad na
lamang o magbisikleta sa binabalak na pagbabahay-bahay.

5.Huwag magpatugtog ng sobra-sobrang lakas na mga political jingle at
mga talumpati. Ang ingay ay polusyon rin.

6.Huwag magkalat at mag-iwan ng anumang basura sa mga kampanya.

7.Huwag iwanan na lamang ang mga campaign material sa lansangan
pagkatapos ng eleksyon. Tanggalin agad ang mga ito matapos ang
botohan sa Oktubre 25.

Para sa mga walang kalat na pagtitipon na karaniwang dinadagsa ng
publiko, ito naman ang kanilang rekomendasyon:

1. Tiyaking di magkakalat sa mga lugar na pagdarausan

2. Tanggihan ang pagtatapon ng confetti, pagpapaputok o pagpapakawala ng lobo

3. Iwasan ang paggamit ng mga Styrofoam, plastic bag at iba pang
isahang gamit na lalagyan para sa pagkain at inumin

4. Magtalaga ng hiwalay na sisidlan para sa nabubulok at di nabubulok
na mga panapon

5. Magtalaga ng mga “eco-volunteer” upang makatulong sa paggabay sa
publiko sa wastong pagbubukod ng mga panapon

6. Kagyat na linisin ang lugar pagkatapos ng pagtitipon

7. Upahan ang mga mangangalahig upang kolektahin ang mga
pinagbukod-bukod na mga panapon para ma-recycle o gawing compost

“Ang eleksyon sa Oktubre 25 ay oportunidad para sa mga nag-aasam na
maging pampublikong lingkod na manindigan para sa kalikasan,” pahayag
ni Dra. Leah Primitiva Samaco-Paquiz, Kalihim ng EcoWaste Coalition.

Nawa’y hindi mabigo si Inang Kalikasan sa mga kandidato at sa publiko,
at pagtulung-tulongan ang pagsagip sa kanya hindi lamang mula sa
basura at polusyon, kundi pati na rin sa nakamamatay na pagkagahaman
at paglapastangan.

0 comments:

Post a Comment