Pinaalalahanan ng isang environmental group ang
mga kandidato sa Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections na
huwag nang ulitin pa ang pagkakamali noong nagdaang May 10, 2010
elections pagdating sa usapin ng basura.
Ayon sa grupong EcoWaste Coalition, kailangang iwasan ng mga kandidato
sa naturang halalan ang sobrang paggamit ng campaign materials na
nagdudulot ng tone-toneladang basura, gayundin ang pagkakaroon ng
disiplina sa pangangampanya.
Sabi ni Roy Alvarez, pangulo ng EcoWaste Coalition, bilang potensiyal
na mga lider na direktang nasa serbisyo-publiko, inaasahan ng grupo na
lahat ng mga kandidato ay ipapakita ang kanilang pananagutan sa
pagprotekta at pagpreserba sa kalikasan sa pamamagitan ng pagsusulong
ng malinis at luntiang komunidad.
Kabilang umano sa mga pagkakamali noong nakaraang presidential
elections na sana ay hindi na maulit pa sa paparating na Barangay at
SK elections ay ang pagpapako ng campaign materials sa mga puno at iba
pang lugar na ipinagbabawal ng Comelec; pagsasayang ng mga materyales
sa pangangampanya; pagmamaneho ng smoke-belcher na campaign vehicles;
masyadong malalakas na political jingles at talumpati; pag-iiwan ng
mga basura sa campaign sorties at hindi pag-aalis ng mga campaign
materials pagkatapos ng halalan.
0 comments:
Post a Comment