Wednesday, February 2, 2011

“Iskwelusog” – Hamon sa DepEd

ISANG napapanahong panukala ang ipinarating ng EcoWaste Coalition sa Kagawaran ng Edukasyon (DepEd) upang maisulong ang kalusugan at kaligtasan ng mga batang Pilipino, laluna sa mga pansimula, elementarya at mataas na mga paaralan.

Sa kanilang panukalang “Iskwelang Malusog” o “Iskwelusog” (National Healthy School Program) ay inaasam-asam ng EcoWaste Coalition ang paglulunsad ng pambansang programa na magtataguyod sa malusog at ligtas na kapaligiran sa loob ng paaralan na mahalagang salik upang matiwasay na makapag-aral at matuto ang mga bata.

Ang programang “Iskwelusog” ay bunsod ng naunang pahayag ni Kalihim Armin Luistro na nagbabawal sa pagtitinda ng mga “junk food” sa mga paaralan alinsunod sa rekomendasyon ng World Health Organization na ipagbawal sa mga paaralan at palaruan ang mga ganitong pagkain at inumin na kilalang-kilala sa labis-labis na sangkap na asukal, asin at taba

“While commending the ban on junk foods in schools, we urge the DepEd to go further by embarking on a holistic program that will promote a healthy school community that is conducive to well-rounded and well-balanced learning and development,” wika ni Dra. Leah Primitiva Samaco-Paquiz, Kalihim ng EcoWaste Coalition.

Ayon sa grupo, ang “Iskwelusog” ay magbibigay gabay sa mga kinakailangang patakaran at alituntunin para sa malusog at ligtas na paaralan hindi lamang sa kantina kundi sa buong paaralan.

Ilan sa mga kongkretong patakaran na nais maipaloob ng EcoWaste Coalition sa “Iskwelusog” ang mga sumusunod:

1. Ipagbawal ang mga “junk food” at mga pagkaing kontaminado ng genetically modified organism (GMO) sa mga paaralan.

2. Ibalik ang pagtatanim ng mga gulay bilang regular na gawaing pampaaralan.

3. Ipatupad ang paaralang “Walang Aksaya” (Zero Waste) alinsunod sa layunin ng Republic Act 9003, ang “Ecological Solid Waste Management Act.”

4. Pagtibayin ang luntian at hindi toksikong patakaran sa pagbili (green, non-toxic procurement policy) ng mga gamit pampaaralan, laluna sa mga produktong elektrikal.

5. Tiyakin ang ligtas na pangangasiwa sa mga mapanganib na basura ng paaralan tulad ng mga pundido o basag na bumbilyang may asoge (mercury) at mga sirang computer at TV.

6. Tiyakin na ang kemikal at produktong ginagamit sa paaralan ay ligtas para sa mga bata, at itaguyod ang mga ligtas na kapalit, kasama ang mga hindi kemikal na alternatibo.

7. Isakatuparan ang pagbabawal sa paninigarilyo sa mga paaralan.

8. Ipatupad ang mga hakbang upang mapanatiling malinis ang hangin sa kapaligiran ng paaralan tulad ng pagbabawal sa paninigarilyo, pagsusunog ng basura, paggamit ng mga sasakyang nagbubuga ng maruming usok at pagpapa-andar sa sasakyan habang nakaparada o naghihintay.

9. Tiyakin ang mahigpit na pagbabawal sa paggamit ng mga pinturang may tingga (lead) at asoge sa mga silid-aralan, palaruan at iba pang pasilidad pampaaralan.

10.Tanggalin ang mga thermometer at ibang kagamitang medikal na may asoge sa mga klinika at palitan ng mga alternatibong “mercury-free”.

11. Ipagbawal ang paggamit ng asoge at iba pang mapanganib na kemikal sa mga gawaing pang-laboratoryo

12. Itaguyod ang paggamit ng mga ligtas na kagamitan sa pag-aaral (school supplies).

13. Ilunsad ang taunang patimpalak para sa mga “Iskwelusog” at ipalaganap ang mga matatagumpay na pagsusumikap tungo sa malusog at ligtas na mga paaralan.

Ilan lamang ang mga nabanggit sa mga susing sangkap na maaaring pagsimulan ng DepEd upang maitaguyod ang ‘Iskwelusog.”

Sa pamamagitan ng “Iskwelusog” ay maiiwasan ang pagkakalantad ng mga bata sa mga mapanganib na kemikal, produkto at proseso na maaaring humantong sa pangmatagalan o panghabang-buhay na epekto sa pag-iisip at pag-unlad ng kabataang Pilipino.

0 comments:

Post a Comment