IBINUNYAG ng isang toxic watchdog na malaya pa ring naipagbibili sa Metro Manila ang ilang cosmetics o mga pampaganda na una nang ipinagbawal na gamitin at ipagbili ng Food and Drugs Administration.
Ayon sa grupong EcoWaste Coalition, batay sa isinagawang test buys ng kanilang AlerToxic Patrol mula Pebrero 1 hanggang 10, marami pa ring tindahan ang nagbebenta ng naturang FDA-prescribed skin whitening products.
Lumilitaw na 13 sa 28 FDA-blacklisted skin whitening products ang nabili ng AlerToxic patrollers mula sa mga “tiangge” stall, health supplements shops sa mga mall at sa mga Chinese drug store na matatagpuan sa Caloocan City, Las Piñas City, Makati City, Malabon City, Mandaluyong City, Manila City, Pasay City, Quezon City, Valenzuela City, at maging sa Angono, Rizal.
Kabilang sa mga nabiling banned product ang Jiaoli Miraculous Cream, Jiaoli Huichusu Cream, Jiaoli 7-Days Specific Eliminating Freckle AB Set, Jiaoli 10-Days Eliminating Freckle Day and Night Set, Doctor Bai Intensive White Revitalizing and Speckle Removing Set, Gemli Glutathione Hydrolyzed Collagen Whitening and Anti-Aging Cream, JJJ Magic Spots Removing Cream, Shengli Day and Night Cream, S’Zitang Cream, Beauty Girl Aloe Pearl, Beauty Girl Ginseng and Green Cucumber, Beauty Girl Olive, Sheep Essence at St. Dalfour Beauty Whitening Cream.
Kaugnay nito, umapela sa pamahalaan ang EcoWaste na magiging mas seryoso pa ang pamahalaan sa kanilang kampaniya na i-ban ang mga naturang mercury-laced cosmetics upang maiiwas sa panganib na dulot nito ang publiko.
Nagtipon-tipon at nagtungo pa sa Plaza Sta. Cruz sa Maynila ang mga miyembro ng EcoWaste na may dalang yellow banner na nagsasaad ng ‘Mercury-Added Cosmetics: Injurious to Health,’ upang paigtingin ang kanilang kampaniya laban sa mercury-laced cosmetics.
Ipinakilala rin ng mga ito sa naturang pagtitipon si “Valentoxic,” na hango mula sa karakter ni Valentina sa Pinoy comic book na Darna, upang ipanawagan sa publiko na huwag tangkilikin ang mga produktong ipinagbabawal na ng pamahalaan na gamitin.
Matatandaang noong Enero, Pebrero, Hunyo at Agosto 2010, ay ipinag-utos ng Food and Drug Administration ang pagba-ban sa may 28 brand ng mga skin lightening products na pawang imported mula sa bansang China, Hong Kong, Taiwan at Japan dahil nagtataglay ang mga ito ng mercury na maaaring makasama sa kalusugan ng tao.
1 comments:
You've written a very useful article. This article provided me with some useful knowledge. Thank you for providing this information. Keep up the good work. Skin Whitening Products For Sale
Post a Comment