Wednesday, February 2, 2011

Dalagita tumungga ng silver cleaner, patay

“ Ate, may nagbigay sa akin ng damit, sayo na lang pati yung suot ko now, maganda to, sayo na rin. Ate pansensya ka na, si K-boy (pamangkin) baka di ko na siya maturuan, matalino si K-boy, pagtiyagaan mo lang.”

Ito ang huling mensahe ng isang 17-anyos na si Jenny Rose Aspe, ng Baseco Compound, Tondo sa kaniyang kapatid na babae bago ito magpakamatay sa pamamagitan ng pag-inom ng silver cleaner, kahapon ng umaga.

Nabatid sa narekober na cellphone ng biktima na ilang mga kaibigan nito ang pinadalhan pa niya ng text at iniimbita para sa kaniyang kaarawan sa darating na Pebrero 15 na kaniyang ‘debut’.

Sa ulat ng pulisya dakong alas-11:30 ng umaga kahapon nang marinig ni Carmen Lazaga, 62, lola ng biktima ang umuungol na si Jenny sa loob ng kuwartro nito kaya nagpatulong ito upang mabuksan ang pintuan at doon nakita ang nakahandusay na biktima.

Agad itong isinugod sa Jose Abad Santos Mother and Child Hospital subalit hindi na umabot pang buhay.

Nabatid na dakong alas-10:00 ng umaga ay naligo muna ang biktima bago ito nagkulong sa silid at nagpatiwakal.

Aminado naman ang ama ng biktima, na kinilalang si Ramonito Aspe, 43, na napagalitan niya ang anak dahil sa pag-uwi ng dis-oras ng gabi, na posibleng dinamdam nito ng husto. Hiwalay ang ama at ina ng biktima at kasama nito ang ama, kapatid, pamangkin at lola.

0 comments:

Post a Comment