Thursday, February 17, 2011

Ipagbawal ang plastic

MARAMI nang pag-aaral na isinagawa na ang mga bumabara sa daanan ng tubig ay ang mga bagay na gawa sa plastic --- plastic na supot, bags, botelya, cups at marami pa. Ang mga nabanggit ay hindi natutunaw. Kapag nahulog ang mga ito sa imburnal o drainage, doon na sila habampanahon. At dito magsisimula ang kalbaryo ng mga tao. Aapaw ang tubig dahil hindi makadaan sa baradong drainage o imburnal. Ang baha ay maghahanap ng ibang landas hanggang sa ang tunguhin na ay mga kabahayan. Ganyan ang nangyari noong manalasa ang bagyong “Ondoy” noong 2009. Nang humupa si “Ondoy” ang mga basura ang naiwan sa maraming bahay na binaha. Pawang plastic na supot, bags at mga botelya ang nagsabit sa kung saan-saan.

Noong manalasa ang bagyong Milenyo noong 2006, ilang trak ng basura na pawang plastic ang nakuha sa gilid ng Roxas Blvd. Nagkabuhol-buhol ang trapiko sapagkat iniiwasan ang mga basura sa gilid ng kalsada. Nang mga sumunod pang pana­nalasa ng bagyo, ay ganundin ang senaryo. At hindi pakonti ang mga nakukuhang basurang plastic kundi parami nang parami.

Ang Ilog Pasig ay isa sa mga kawawang pinagtatapunan ng basurang plastic. Kahit na may mga grupong sumasagip sa Ilog, nawawalan ito ng saysay sapagkat hindi mapigilan ang mga tao para pagtapunan ng kanilang basura na pawang gawa sa plastic. Habang hinuhukay ang Ilog Pasig at inaalis ang mga basura at burak, wala namang tigil ang mga taong nakatira sa pampang na magtapon dito. Pati ang mga pabrika ay walang ring takot kung magluwa ng kanilang dumi sa kawawang ilog.

Maaari namang mapigilan ang pagtatapon ng mga plastic sa kapaligiran. At walang makagagawa nito kundi ang mga namumuno sa bawat bayan at siyudad. Magkaroon lamang sila ng ordinansa na magbabawal sa paggamit ng plastic na supot, bags, cup at iba pa ay tiyak na walang magiging problema sa hinaharap.

Ganito ang ginagawa sa Muntinlupa kung saan ay pinagbabawalan ang mga establishment doon na gumamit ng plastic. Merong city ordinance sa Muntinlupa nagbabawal gumamit ng plastic. Ang hindi susunod ay mapaparusahan.

Kailan may susunod sa yapak ng Muntinlupa?

0 comments:

Post a Comment