Isa ang patay, lima ang sugatan sa naganap na pagsabog noong Lunes, Nobyembre 15, sa isang pabrika ng paputok sa Angat, Bulacan na tila hudyat sa mga mangyayari pang kapinsalaan at karahasan kakabit ng maingay, mausok at madugong pagsalubong sa Bagong Taon.
Sa tala ng Kagawaran ng Kalusugan (DOH), 990 ang nagtamo ng sugat dahil sa paputok at 45 dahil sa ligaw na bala noong 2009. Ang mga biktima ay may edad na dalawang buwan hanggang 78 taon. Ang pinakamaraming kaso (288) ay edad 1-10 o mga maliliit na bata. Karamihan sa mga biktima o 79% ay mga kalalakihan.
Mayorya o 57% sa mga biktima ay direktang gumamit ng paputok.
Dalawa naman noong 2009 ang naiulat na namatay dahil sa paputok. Ang isa ay dahil sa matinding pinsala
sa mata mula sa kwitis, at ang isa naman ay dahil sa pinsala sa utak mula sa jumbo kwiton.
Ang limang pangunahing paputok na nagdulot ng pinsala noong 2009, ayon pa rin sa DOH, ay ang piccolo (30%), kwitis (14%), luces (7%), five star (6%) at pla-pla (5%).
Bunsod ng mga madugong datos na ito ay maagang nagbabala ang DOH sa publiko kontra pagpapaputok, laluna sa hanay ng mga bata, upang maiwasan ang tiyak na panganib sa katawan at kalusugan.
Kaagad na nagpahayag ng suporta sa maagang pangangalampag ng DOH laban sa paputok ang EcoWaste Coalition na naglulunsad ng kampanyang “Iwas-PapuToxic” tuwing Disyembre simula pa noong 2006, kasama ang libu-libong mag-aaral sa Krus na Ligas Elementary School, QC (2006), Esteban Abada Elementary School, QC (2007), Claret School (2008) at Marcelo H. del Pilar Elementary School, QC (2009).
Nakatuwang rin ng EcoWaste Coalition ang Miss Earth Foundation, Ministry of Ecology of the Our Lady of Remedies Parish in Malate at Philippine Animal Welfare Society sa pagpapa-abot at paghikayat sa mamamayan na itaguyod ang “Iwas-PapuToxic.”
“We are keen to collaborate with the DOH in achieving our shared purpose of minimizing, if not eliminating, the risks and hazards posed by firecrackers to life, limb and property, and to the ecosystems as a whole,” wika ni Roy Alvarez, Pangulo ng EcoWaste Coalition.
Upang mapalakas at mapalapad pa ang kampanya kontra paputok ay iminungkahi ng EcoWaste Coalition kay Secretary Enrique Ona ang mga sumusunod:
1. Isama ang isyu ng kalikasan sa kampanya ng DOH. Bigyang diin rin na ang usok, basura at ingay mula sa pagpapaputok ay mapanganib sa kalusugan ng tao, hayop at buong ekosistema.
2. Maglabas ng health advisory tungkol sa ingay mula sa pagpapaputok na isang uri rin ng polusyon na may masamang epekto sa pandinig ng tao at hayop.
3. Ipatupad ang pagbabawal sa pag-angkat ng mga paputok ayon sa itinakda ng Republic Act 7183.
4. Maglabas ng “black list” ng mga ipinagbabawal na paputok, kasama ang atomic big triangulo, super lolo at mga kahawig na malalakas na paputok, five star, kwitis, luces, pla-pla, piccolo, watusi, PVC bazooka at iba pa.
5. Italaga bilang “silence zone” o lugar na bawal ang anumang pagpapaputok sa paligid ng mga simbahan, paaralan, ospital, palengke at zoo.
Iminungkahi rin ng EcoWaste Coalition na patampukin ng DOH sa pangangampanya nito ang tagumpay ng Davao City at iba pang lugar na nagpapatupad ng firecracker ban sa kani-kanilang lugar.
Upang higit na maiparating sa madla ang mensahe ay hinimok rin ng grupo ang DOH na hikayatin at palahukin ang iba’t ibang ahensya at sektor, kasama ang mga personalidad sa radyo, telebisyon, pelikula at palakasan, sa naturang kampanya.
Para sa malusog at ligtas na pagharap sa 2011, mag-“Iwas-PapuToxic” na!
0 comments:
Post a Comment