Monday, November 29, 2010

Hadlangan ang pagpasok ng mga peligrosong produktong pamasko

LABINLIMANG container van na puno ng mga plastik na laruan, paputok at iba pang produktong pamasko ang pinigilan ng Bureau of Customs (BOC) upang dumaan sa mas masusing pagsisiyasat.

Ang mga kargamentong inangkat mula Hong Kong at Tsina ng iba’t ibang negosyante ay nasa Manila International Container Port at Port of Manila at naghihintay ng permiso upang ligal na makapasok, maipamahagi at maipagbili sa lokal na merkado.

Dahil papalapit ng papalapit ang Pasko ay inaasahang daragsa pa sa mga daungan ang tone-toneladang paninda na mabenta tuwing Disyembre, katulad ng mga laruang pambata.

Sa paliwanag ni Commissioner Angelito Alvarez: “We have to keep a more vigilant watch and conduct thorough inspection of all vans to ensure the safety of the consuming public during the holidays.”

Dagdag naman ni Customs Deputy Commissioner for Intelligence Group Filomeno Vicencio, Jr.: “We’re still in the process of verifying documents. We have to double check if the shipment were covered by the required import permits from other government agencies like the Departments of Agriculture, and Trade and Industry, or the Philippine National Police.”

Tamang-tama ang hakbanging ito ng Adwana na dapat bantayan at suportahan ng mga mamamayan para matiyak ang kalusugan at kaligtasan ng mga mamimili laban sa negosyanteng nagbabalak magsamantala.

Ang mas pinahigpit na pagsisiyasat sa mga daungan upang mapigilan ang pagpasok ng mga mapanganib na produkto ay mabilis na sinang-ayunan ng EcoWaste Coalition na paulit-ulit ang babala laban sa pagpasok ng mga laruang kontaminado ng mga toksikong sangkap.

“We support the more careful inspection of these Christmas shipments to ensure that dangerous goods such as toxic toys, substandard lights and perilous firecrackers are not put up for sale in the local market,” pahayag ni Roy Alvarez, Pangulo ng EcoWaste Coalition.

“The stringent scrutiny by our customs officers is needed to thwart any attempts by crooked traders to make profits from the sale of dangerous products that could jeopardize public health and safety,” wika pa niya.

Upang maipabatid sa mas maraming Pilipino, mahalaga na ilathala ng BoC ang listahan ng mga laruang hindi nila pinayagang makapasok dahil sa mga taglay na peligrosong kemikal.

Gaya ng ginagawa ng US Consumer Product Safety Commission, maaari itong ilathala sa website ng BoC, kasama ang mga pangalan, kantidad, pabrikang may gawa, bansang pinaggawaan, panganib at litrato ng mga produktong tinanggihan ng Kawanihan.

Hadlangan rin sana ng Adwana ang pagpasok ng mga inangkat na mga produktong paputok na ipinagbabawal sa ilalim ng Republic Act 7183.

Gayundin, mas pahigpitin rin sana ang pag-inspeksyon sa mga produktong agrikultural upang matiyak na hindi tayo magiging bagsakan ng mga prutas, gulay at karneng kontaminado ng pestisidyo at iba pang banta sa kalusugan.

Panghuli, ang pinaigting na pagsisiyasat sa mga kargamento ay maging kalakaran nawa hindi lamang tuwing sasapit ang Pasko.

Kailangan natin ang ganitong paghihigpit araw-araw upang sawatain ang pagbabagsak sa ating mga daungan ng mga mapanganib na angkat, produkto man ito o basura.

0 comments:

Post a Comment