Thursday, August 19, 2010

Tuldukan: Silver Cleaner Poisoning

“Niloko ng boyfriend, dalagita naglason,” “tomboy lumaklak ng silver
cleaner, todas,” “dalaga binawalang magcellphone, nagsuicide,” “rising
suicides involving silver cleaner alarm cops,” “saleslady lumaklak ng
silver cleaner, dedo,” “tinedyer na babae, nagpakamatay,” “ginang
tigbak sa nilaklak na silver cleaner,” “toddler dies of silver cleaner
intake,” “binata tumungga ng lason,” “isang basong lason ininom ng
baby”...

Ilan lamang ang mga ito sa mga kahindik-hindik na balita sa mga
peryodiko nitong mga nakaraang buwan tungkol sa mga Pilipinong
naglason gamit ang silver cleaner na may cyanide o aksidenteng nalason
dahil sa pag-aakalang inuming tubig ito.

Ang cyanide ay isa sa pinakamabagsik na lason na lubhang mapanganib sa
tao at mga lamang dagat kahit na sa mababang konsentrasyon lamang. Ito
ay maaaring makamatay kung malunok, malanghap o masipsip ng balat.

1997 pa lang ay naglabas na ng Chemical Control Order (CCO) ang
Kagawaran ng Kalikasan at Likas Yaman (DENR) upang kontrolin ang
paggamit ng cyanide at mga cyanide compound sa mga piling gawaing
industriyal lamang. Hindi kasama sa “allowable use” ang paggamit nito
bilang sangkap sa panglinis ng mga alahas ng pilak.

Bagamat malinaw ang pagbabawal sa ilalim ng CCO ay naging laganap
nitong mga nakaraang taon ang iligal na pagtitinda ng mga silver
cleaner na may cyanide. May mga nanamantala at marami na ang
napahamak at namatay.

Halimbawa, naitala ng UP National Poison Management and Control Center
(UPNPMCC) ang 235 kaso ng pagkalason mula sa silver cleaner noong
2009; 11 dito ang namatay (3 matanda at 8 bata). Mula Enero hanggang
Hunyo 2010, 9 na ang namatay (4 matanda at 5 bata).

Noong 2005, 93% ang "accidental" at 7% ang "non-accidental" na
pagkalason sa silver jewelry cleaner. Pero ngayon ay iba na: 86% ang
"non-accidental" at 14% ang "accidental," ayon sa UPNPMCC. Mas marami
ngayon ang nagpapatiwakal gamit ito.

Paano tutuldukan ang mga malalagim na istatistika? Paano ipaglalaban
ang kalusugan at kaligtasan ng mamamayan laban sa cyanide?

Noong nakaraang Martes, Agosto 17, ay nagpatawag ng “focus group
discussion” tungkol sa isyung ito si Atty. Miguel Cuna, direktor ng
Environmental Management Bureau (EMB), na nilahukan ng mga kinatawan
mula sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, mula sa kapulisan, mula sa
industriya at mula sa EcoWaste Coalition, GAIA at Mother Earth
Foundation.

Inilatag ni Dr. Lynn Panganiban ng UPNPMCC ang ilang rekomendasyon
upang masugpo ang problema. Pinakamahalaga sa kanyang mga mungkahi
ang pag-kontrol sa panganib sa mismong pinagmulan nito.
Nangangahulugan ito ng tahasang pagbabawal (ban), paghihigpit
(restrict) at pagbubukod (isolate) sa ugat ng pagkalason.

Ang pag-asa kong pagtitibayin ang isang “Oplan Silver Cleaner” ay
naglaho matapos ang madamdaming balitaktakan kung sino ang dapat
mamumuno sa kampanya na tila inuurungan ng DENR. Malinaw na kailangan
ang pagtutulungan ng iba’t ibang ahensya at sektor pero kailangang may
manguna at mamuno, magtitimon at magbibigay ng inspirasyon at
direksyon.

Nakapagtataka na tila kailangan pang ipagtulakan ang DENR-EMB upang
pangunahan at pamunuan ang krusada laban sa lasong silver cleaner na
kumitil at kikitil pa ng maraming buhay.

Kung batid ng DENR na buhay ang kapalit sa patuloy na pagbaha sa
merkado ng cyanide ay kailangan pa bang himukin at suyuin ang DENR na
kumilos? Patayan na ito, magtuturuan pa ba tayo?

Sino ang magpapasimuno sa “Oplan Silver Cleaner”? Kung hindi DENR-EMB, sino?

0 comments:

Post a Comment