Ika-16 ng Agosto, 2010 | LUNGSOD NG QUEZON- Hinihimok ngayon ng mga
grupong nagbabantay sa kaligtasan mula sa mga kenikal ang pamahalaan
na magsulong ng malawakang kampanyang mag-aalis sa merkado ng lubhang
nakalalasong panlinis ng alahas na silver, ang cyanide.
Sa isang liham na ipinadala nitong ika-16 ng Agosto kay Atty. Juan
Miguel Cuna, Director ng Environmental Management Bureau (EMB),
ipinanukala ng EcoWaste Coalition, Global Alliance for Incinerator
Alternatives (GAIA) at ng Mother Earth Foundation (MEF) ang
pagsasagawa ng “Oplan Silver Cleaner” upang tuluyan nang maputol ang
suplay ng naturang nakalalasong kemikal na bumawi sa maraming buhay ng
mga Pilipino.
Ayon kay Sonia Mendoza ng MEF at dating chemist (eksperto sa kemikal),
“Patuloy na nagiging sanhi ng pagkamatay ng mga musmos ang panlinis ng
silver na mayroong cyanide, kanila itong napagkakamalang tubig,
gayundin sa matatanda nama’y ginagamit sa pagpapatiwakal.”
Para naman kay Manny Calonzo, Co-Coordinator ng samahang GAIA. “Sa
pamamagitan ng ‘Oplan Silver Cleaner’, umaasa kami na mapuputol ang
tali ng mga pagkamatay at pinsala dulot ng pagkalason sa cyanide, at
ito rin ang magpapakilala sa mga alternatibong panglinis na walang
lason.”
Para maging epektibo ang “Oplan Silver Cleaner”, ayon sa mga grupo,
dapat ay makilahok dito ang malalaking mamumuhunan (stakeholder),
kabilang ang mga departamento ng gobyerno, ahensyang nagpapatupad ng
mga batas, poison management and control units, asosyon ng mga nasa
industriya ng pag-aalahas at ng mga taga-media.
Samantala, sa impormasyong nakalap ng EcoWaste mula sa UP National
Poison Management and Control Center (UPNPMCC) – Philippine General
Hospital (PGH) at ng Poison Control Unit sa East Avenue Medical Center
sa Lungsod ng Quezon, ang panlinis na ito ng alahas ang isa sa tatlong
pangunahing sanhi ng pagkakaospital nitong nakaraang dalawang taon.
Ang UPNPMCC ay may naitala nang 235 naospital sa PGH at 118 tawag sa
telepono noong 2009.
Iniulat din ng UPNPMCC na may 11 namatay nitong 2009 dahil sa panlinis
ng alahas.
Batay sa babala na ipinalabas ng Department of Health (DOH) noong
Hulyo ng taong ito, ang cyanide na matatagpuan sa karamihan sa mga
panlinis ng alahas na silver ay itinuturing na nakalalason, at ito ay
nakamamatay o nakapipinsala sa kalusugan.
Ayon pa rin sa DOH, “Ang cyanide ay mabilis na nakakapasok sa katawan
at nababarahan ang mga organ na gumagamit ng oxygen. Samakatuwid, ang
pagkakalason sa mga panlinis ng alahas na silver ay banta sa buhay at
dapat mabigyang agarang lunas sa mga ospital bilang emergency.”
Noong 1997 nagpalabas ang DENR ng “Chemical Control Order (CCO) for
Cyanide and Cyanide Compounds” upang makontrol ang paggamit nito at
pagkalat sa paligid, at upang maiwasan ang panganib dahil sa kahit ito
ay maliit na bahagi lamang o konsentrasyon ito ay lubhang nakalalason
sa tao at sa mga buhay sa dagat.
0 comments:
Post a Comment