Tuesday, June 7, 2011

Iwasan ang mga school supplies na gawa sa PVC o poison plastic

Pasukan na naman. Abalang-abala na naman ang mga magulang sa pamimili ng mga gamit pang-eskwela ng kanilang mga anak gaya ng lunchbox, art supplies, bag, notebook, payong, at iba pa.

Subalit alam ba ninyo na marami sa mga ito ay may halo o gawa sa ipinagbabawal na polyvinyl chloride (PVC), o plastic number 3? Ang PVC, o ‘poison plastic’ ay delikado sa kalusugan at maging sa kalikasan dahil gumagamit ng cancer-causing chemicals para makabuo ng PVC. Sa pagkunsomo o paggamit ng PVC, maaaring matunaw sa tubig ang mga halong chemical kagaya ng cadmium, lead, organotins at phthalates. Sakaling kailangan sunugin ang PVC upang itapon o i-dispose, ito ay bumubuo naman ng dioxins.

Ang mga PVC softeners/plasticizers ay nagdudulot ng sakit kagaya ng asthma, autism, at mga problemang pang-developmental, nervous, reproductive and respiratory. Dahil dito, ipinagbawal na ng European Union at Estados Unidos ang paggamit ng PVC sa mga laruan ng mga bata kung kaya’t kailangan iwasan ang paggamit nito.

Subalit marami pa rin naglilipanang mga paninda dito sa PIlipinas na gawa sa PVC. Base sa pagsusuri ng EcoWaste Coalition, napag-alaman na mayroon DEHP ang ilang mga school supplies, kagaya ng green long plastic envelope, PVC plastic cover, PVC notebook cover, PVC plastic lunch bag, at PVC backpack. Ang DEHP ay isang human carcinogen na ginagamit sa paggawa ng PVC, at ito rin ang kemikal na laman ng mga pagkain mula sa Taiwan na ipinagbabawal ngayon ng Food & Drug Administration.

At ngayon ngang pasukan na naman, siguraduhin na bumili lamang ng mga school supplies na walang PVC.

Narito ang ilang tips sa mga magulang sa pagbili ng PVC-free school supplies ngayong pasukan:

Basahing mabuti ang itiketa ng mga bibilihin upang makasiguro.

Iwasan ang mga modeling clays na gawa sa PVC. Huwag bumili ng mga bag o backpacks na mayroon makintab na plastic designs dahil kadalasan ay may halo itong PVC at lead. Gayun din sa mga kapote, rainboots, handbags, jewelry, sinturon, at mga prints sa damit ng mga bata. Iwasan din ang payong na makintab at makukulay na gawa sa plastic dahil kadalasan ito ay gawa sa PVC. Bumili ng payong na gawa sa nylon.

Bumili lamang ng mga lunchboxes na gawa sa metal. Karamihan kasi sa mga plastic na lunch box ay gawa sa PVC o coated ng PVC. Sa pagbabalot naman ng mga baon o pagkain ng inyong mga anak, gumamit lamang ng PVC-free food wrap o butcher paper, wax paper, o cellulose bags.

Sa mga school supplies naman kagaya ng notebook at organizer, address book, iwasan ang mga spirals na coated ng colored plastic. Kadalasan ay gawa sa PVC ang plastic coating. Maging ang mga colored paper clips na ginagamit din sa mga opisina ay coated ng PVC kung kaya’t mas mabuti na gamitin ang plain metal paperclips.

Ito ay ilan lamang sa mga paalala sa mga mamimili ngayong pasukan upang maging ligtas sa kalusugan at makatulong sa kapiligiran.

0 comments:

Post a Comment